Life and Family / Travel and Events

The (Mis)Adventures of Diego and Dora

Labor Day weekend nitong nakaraang weekend. Labor Day means Labor Day Sale. Hindi man ganun kasing laki katulad ng Black Friday Sale na nagaganap tuwing November, ayos na din kasi hindi kame aabot sa buwan na yun. Ang mahalaga may sale kaya inabangan namin ito ni Ma’am Che. May isa lang malaking problema. May dalawang Premium Outlet na malapit dito sa Milwaukee. Yan yung Johnson’s Creek at yung Prairie Pleasant outlets.

Katulad ng karamihan sa inyo, hindi ko rin alam yung mga tungkol sa mga outlets hanggang masubukan ko ito nung 2011 sa Chicago. Sa outlets kasi may mga shops ng mga kilalang brands kung saan binebenta nila ang kanilang mga produkto ng mura kumpara sa mga nasa mall dito sa America. Dyan kasi sa atin, kapag sinabi may discount or something, parang ganun pa rin ang presyo. Joke kumbaga. Dito sa mga outlets, kapag sinabing 50% off, talagang 50% off. Ang tanging drawback lang, kadalasan hindi current designs yung binebenta sa mga outlets. Though meron pa din naman kahit papaano. Kumbaga sa atin dyan sa ‘Pinas, parang clearance sales.

So now, back to the problem. Yung Johnson’s Creek accessible ng public transportation through a coach bus. Yung Pleasant Prairie totally waley. Kailangan mo ng sariling sasakyan, isang bagay na wala kami. 60 ang shops meron sa Johnson’s Creek at 90 naman sa Pleasant Prairie. Ang dami na naming naisip na plano. Isa na yung pumunta muna sa Chicago tapos bumalik ng Kenosha kasi dun lang may tren papuntang Pleasant Prairie. Yun nga lang para kang nag-MRT na malayuan mula North Station papuntang EDSA Station tapos babalik ka ng Ortigas Station. Meron pang isang plan, yung mag-cab mula Milwaukee pero yung mase-save nga lang namin sa outlet ay kulang pa sa pambayad ng taxi kaya ganun din. Pinag-isipan din namin na kapalan ang mukha at kumontak sa mga kapuso namin sa dito at Chicago para samahan o ihatid kami. Kapit sa patalim kumbaga.

“Hindi na ako sasama.”, sabi ko kay Ma’am Che. “Wala naman akong mabibili dun sa Johnson’s Creek.” Desidido na pumunta si Ma’am Che mag-isa sa Johnson’s Creek. Naisip ko na lang din eventually at dahil na rin sa paalala ni Jonalyn, samahan na lang siya. Bigla na lang din umiba ang ihip ng hangin. Nagpadala kasi si Jonalyn sa email ko na gusto niyang bag. Tatlong klase ng Micheal Kors na bag. Dahil nga pala sa mga outlet na ito, nakilala ko sila Michael Kors, Ann Taylor, Eddie Bauer, Kenneth Cole, Marc Jacobs at iba pa. Hindi ko na binaggit yung iba kasi kilala ko na si Tommy at si Ralph. Dahil walang Micheal Kors sa Johnson’s Creek at meron sa Pleasant Prairie, sabi ko kay Ma’am Che, gora na kami dun. Ayun, nagtatalon sa tuwa si Ginang Dapiosen.

Ang matinding bilin ni Jonalyn.

Ang matinding bilin ni Jonalyn.

Dahil ako ang pathfinder ng duo, sinimulan ko maghanap ng mga posibleng daaanan gamit si Google Maps bago pa man umabot ang Sabado, August 31. Ang totoong Labor Day ay September 1. Dito sa US, kapag natapat ng holiday sa Sabado o kaya Linggo, automatic namu-move ng weekdays. Alam na. Hindi na kailangan ng Presidential Proclamation ni PNoy. Kaya walang pasok dito nung September 2. Dahil kay Google Maps, natunton ako ang daan gamit ang Hiawatha Train papuntang Sturtevant Station tapos magka-cab mula dun patungo na sa Pleasant Prairie.

Alas-nuwebe ng umaga ng Sabado. Ito ang oras na usapan namin ni Ma’am Che para gumising at mag-breakfast (na libre) dito sa hotel. Ito ay para makaalis kami ng maaga dahil alas onse ang alis ng tren papuntang Sturtevant. Paglabas namin, ang daming tao sa labas. Ito din kasi ang weekend ng 110th Anniversary ng Harley Davidson. Sabi ni Ma’am Che, sabi daw sa kanya nung isang hotel staff ay every five years daw ito nagaganap kaya sakto kami. It also makes sense kasi mas ia-anticipate ng mga tao. Biruin mo, may mga galing pa sa iba’t ibang parte ng mundo para lang umattend sa party na ito. Yung iba nagba-byahe gamit ang kani-kanilang motor ng ilang araw para makarating dito sa Milwaukee. Yung iba naman, katulad ng mga galing sa Europe, ay isinasakay sa barko yung motor at sila naman e mag-e-eroplano patungo dito. Talk about the love of the ‘hobby’. May mga lolo’t lola pa nga tapos naka-leather jacket na may spikes at burdado ng tattoo. Tapos isipin mo grandparents mo sila. Cool.

harley

harley2

harley3

Dahil sa party na ito, walang buma-biyaheng public buses. Magba-bus sana kami papuntang Amtrak Station. Buti na lang malapit lang kaya keribels naman lakarin. Yun nga lang umpisa pa lang napagod na agad si Ginang Dapiosen. Nakarating naman kami ahead of time. $10 ang ticket bawat isa, bawat way. Dumating ang boarding time at sumakay kami ng tren. Nakita ko ang dulo ng tren at sabi ko kay Ma’am Che, huwag kami sa may unahang upuan kasi pabaligtad o patalikod. Lumipat kami sa upuang nakaharap sa tamang direksyon. Ilang sandali pa, umandar din yung tren, sa kabilang direksyon.

amtrak

amtrak2

Nakarating kami sa Sturtevant makalipas ang humigit kumulang sa dalawampung minuto. Hindi isang istasyon ng tren ang naabutan namin dito kundi isang mala-bahay na istraktura na maihahalintulad lamang sa isang malaking waiting shed. Antayan lang talaga ng mga pasahero at wala kahit guwardiya o staff na mapagtatanungan ng impormasyon. Sa kalayuan pa matatanaw ang susunod na establisyimento na pinakamalapit sa istasyon ng tren na ito. Mga damuhan at mahabang daanan ang namamagitan sa mga ito. Nagtanong ako sa isang papaalis na pasahero kung saan ba makakakuha ng taxi sa lugar na ito at sumagot lamang na hindi niya alam sapagkat inihahatid lang din naman daw siya dito. Una, planuhin ang paglalakbay katulad ng pagreserba ng magsusundo ng taxi, ang sinabi namin sa aming sarili. Pangalawa na yung mag-aral mag-maneho.

svt

svt2

svt3

Wala kaming magawa kundi lakarin na lamang patungo sa natatanaw naming intersection sa pagiisip na dito baka makakuha kami ng masasakyan. Walang mga pedestrian lanes dito. Marahil hindi naman naghihintay ang mga daang ito ng mga tumatawid bukod sa aming dalawa. Tumawid kami patungo sa kabilang parte ng kalsada kung saan may mga kainan. Pinasok namin ang Subway para magtanong at sa huli ay humingi ng tulong. Nagpaunlak naman ang kahera ng tindahan na ito at binigyan kami ng isang telephone directory para hanapin ang mga numero ng mga taxi company na malapit kung nasaan kami. Pagkakaabot nito agad namang sinabi ni Ginang Dapiosen na wala kaming pantawag dito at agad nitong pinahiram ang kanyang sariling selepono na Samsung Galaxy S3 na may kulay purple na rubber casing. Ako ang pinakausap ni Ma’am Che sa operator/dispatcher ng Keno Taxi. Isa lang ang paulit-ulit na narining ko sa kanya, sure daw ba ako kasi malayo ang pagsusunduan sa amin at baka daw indyanin namin ang driver niya. Paulit-ulit naman na sagot ko na ‘oo’. Bilang ganti dun sa mabait na kahera ng Subway e bumili na lang din kami ng makakain na Philly Cheesesteak na Full Sub na pinahati namin sa dalawa. Isa pa, mukhang matatagalan din yung dating nung susundo sa amin.

subway

Hindi rin tumagal e dumating na rin yung taxi. Kailangan mo nga lang mag-ingat pagsakay mo kasi baka matetano ka. Kakalabas lang kasi sa Junk Shop nung kotse na yun. May sumabay pa sa amin na isa pang lalaki na hindi ko alam saan papunta. Hindi ko alam kung sira ang aircon ng taxi na ito (o kung wala talaga) kasi nakabukas lamang ang bintana nito. Pero kung tutuusin ayos na din kasi malamig naman yung hangin at puro puno at halaman naman yung nasa paligid ng freeway na tinatahak namin. Nagkukwentuhan lang yung dalawa sa harap hanggang sa tinanong kami kung saan kami papunta. “Pleasant Prairie Outlet,” sabi namin. “My wife works there, at the Pepperidge Farm,” sagot ng taxi driver na mukhang extra sa mga action films bilang chaperon ng mga kalaban. Makalipas uli ng mga dalawampung minuto ulit, nakarating din kami sa wakas sa outlet. Siningil kami nito ng $46 dollars at binigyan na lang ni Ma’am Che ng $50. Alam kong nagngungupal lang ang driver na ito dahil kahit resibo e wala siya ngunit hinayaan na lang namin. Ang mahalaga, nakarating din kami sa wakas sa destinasyon namin.

out

out2

out3

Agad naming pinuntahan ang tindahan ni Michael Kors. Bagamat ang Coach Factory ang bubungad sa iyo, ito lang din kasi ang tindahan na may pila bago pumasok. For convenience nung mga mamimili at para iwas nakaw din siguro. Sinunod sunod namin ang mga tindahan na parehas kaming may pakay hanggang sa magdesisyon na maghiwalay ng landas. “Sige alas-tres magkita tayo dito sa harap ng Coach,” pagkakasundo namin.

Nagtingin ako (at bumili) ng Levi’s na pantalon dahil kailangan ko naman. Isa pa, $39.99 (tax exclusive) na lang ang isa kung bibili ka ng higit sa isa. Tatlo sana ang bibilhin ko, kaso yung pantalon na shade of blue na nagustuhan ako ang wash e may butas sa tuhod. Nagtanong pa ako pero wala daw kasi nung walang butas na ganun ang disenyo. Hindi ko trip kaya yung dalawa na lang. Sinilip ko yung oras sa iPhone (na ipinahiram sa akin ni Jonalyn para may magamit ako dito) at nagulat ako na 3:20 na pala. Agad akong naglakad matapos mabayaran ang mga pantalon. Walang bakas ni Ma’am Che. Sinilip ko din yung loob baka kako andun siya pero mukhang wala. Inisip ko na baka nauna siya at nainip kaya umalis din agad. Pero mas malakas ang kutob ko na napasarap din siya at lumipas ang alas-tres sa utak niya. Pinili ko na lang din na umalis. Kaysa nag-aabang ako dito at walang nangyayari, pinagpatuloy ko na lang ulit ang pagsa-shopping dahil marami pa akong bibilhin titignan. Umikot ikot pa ako at bumalik ng alas-kwatro y media. Wala siya. Isa pa nung alas-singko kinse. Wala pa din siya. Minabuti ko na lang na umupo dahil alas-sais yung susunod na alis ng tren pabalik ng Milwaukee. Maya pa’y andyan na siya.

“Naiiyak na ako akala ko kung asan ka na. Akala ko iniwan mo na ako katulad nung ginawa mo sa akin dun sa Chicago,” hingal niyang sinambit.
“Bakit naman kita iiwan dito e malayo ito. Isa pa nasa akin yung ticket mo.” sagot ko.
“Anong oras ka ba dumating dito kanina?”
“3:42.”
“3:20 ako nandito, tapos naghintay ako hanggang 3:40. Hindi na tayo aabot sa 6:14 na train. Dun sa 9:04 na lang.”
Sige mag-tingin tingin na lang ulit tayo.

out4

“Nakita ko yung babaeng taga-Milwaukee Airport umalis na.”
“Dapat pinara mo.”
“Akala ko kasi matatagalan ka pa.”
“Hanap na lang tayo ng ibang pinoy tapos makisabay tayo.”

Naalala ko nun yung ka-team namin na isang Pakistani na si Hassan. Nagtataka kasi siya bakit daw tayong mga Filipino, hindi tayo takot lumapit at kumausap ng kapwa natin Pinoy. Iba nga kasi dito sa America. Pwede kang lumapit sa isang Pinoy na totally strangers at mag-uusap na lang kayo na parang matagal na kayong magkakilala. Although meron pa rin naman ibang snob pero bihira. Ito sana yung gagamitin namin ni Ma’am Che hindi para i-take advantage kundi para lang talaga humingi ng konting favor. Yan e yung kahit ihatid kami sa Sturtevant station.

Nag-uuwian na yung karamihan ng mga shoppers nung lumapit kami sa isang grupo ng mga nakatatandang Pinoy sa tapat ng isang store sa outlet. Nagtanong si Ma’am Che kung saan pwedeng sumakay ng taxi kasama na ang hidden agenda na kung maaaring makisabay. May pag-aalinlangan sa mukha ni Manong na una naming nakausap. Kasama niya ang iba niyang tropapips na mga retired din na mga Pinoy.

“Saan ba kayo uuwi?” tanong ng isang babae na kalaunan ay nalamang naming asawa pala niya.
“Sa Milwaukee Downtown po. Nag-commute lang po kami papunta dito.”
“Ang lalakas naman ng loob niyo.”
“Labor day sale po kasi saka ilang weeks na lang po kami dito. Inubos na po namin yung mga perang naipon namin sa hindi pagdi-dinner.”
“Tapos na ba kayo mamile? Sige antayin nyo lang kami babayaran lang namin ito. Ay nakalimutan ko wala pala kaming dalang sasakyan. Ganito, uuwi na lang muna kami tapos babalikan namin kayo.”

Umupo kami sa isang bench at nag-abang. Nagsisimula ng mag-worry ng ginang. “Paano kung hindi na tayo binalikan? Anung oras na hindi na tayo aabot sa Sturtevant.” “Huwag kang mag-alala dadating yan. Sabi nila malapit lang sila.” Mga kinse minuto din ang lumipas at dumating ang isang itim na sasakyan. Tumupad ng pangako si Manong. Isinakay namin ang mga bagahe at aming mga sarili rito.

Umupo ako sa unahang upuan katabi ni Manong. “Nahiya naman kami sa kotse nyo Manong.” sambit ko. “Pagpasensyahan niyo na itong sasakyan ko. Ito lang nakayanan ko.” banat ni Manong habang tinutukoy ang kanyang itim na Jaguar. Umikot pa ang ilan pang kwento loob ng Jaguar. Dati palang militar si Manong na naka-assign sa Narcotics at naging Presidential Guard ng noo’y Presidente Marcos. Hindi rin daw siya nakatiis dahil sa mga nangyayari doong mga dirty jobs kaya tumiwalag siya. Kalauna’y pinetisyon sila ng kanyang mga magulang at dito na namuhay kasama ng tatlong mga anak.

Akala namin sa istatyon kami ng tren ibaba, hindi pala. Dun kami ibinaba kung saan pwede kaming makakuha ng taxi. Sinabi ko na lang na dun na lang kami ibaba sa may Bratstop para pwede kaming mag-bus na lang pabalik ng Milwaukee. Sakto pagdating namin sa hituan ng mga Coach USA buses e kakarating lang din ng isa sa kanilang mga bus. Akala ko haharangin ni Manong ang bus para isakay kami pero nakatakas ito. Ibinaba na lang kami nito sa antayan ng bus. Ni hindi na nito inalam kung makakasakay ba kami o hindi.

“Ayos na rin yan. Pasalamat na lang tayo sa Diyos at may tumulong sa atin. Isipin mo kung dun tayo sa Sturtevant binaba tapos hindi naten naabutan ang tren, mas kawawa tayo dun. Nasa middle of nowhere yun at kinabukasan na yung susunod na tren.”

Ito yung antayan ng coach bus sa may Bratstop. Yung isa nagmo-moment.

Ito yung antayan ng coach bus sa may Bratstop. Yung isa nagmo-moment.

Nagsimula nang tumulo ang luha ni Ginang Dapiosen.

“Bakit ka ba nagwoworry. Huwag kang mag-alala makakauwi tayo.”
“Anong oras na wala pa yung bus.”
“Darating yan. Baka na-late lang.”
“Mas gugustuhin ko na kahit sa Baclaran nag-aabang ng bus e.”
“Mas delikado kaya dun.”
“At least lugar natin yun. Hindi dito na malayo tayo. Kung may nangyari sa atin dito walang makakaalam.”
“Hindi ko naman hahayaang mangyari yun.”

9:30 dapat ang dating ng bus. Lampas 9:40 na ito dumating. Nagtatalon sa tuwa ang ginang habang pinapara ang parating na bus. “Hoy tumabi ka, baka masagasaan ka hindi ka na umabot sa hotel.”

Mga kalahating oras din ang itinakbo ng biyaheng ito. Pakiramdam ko, para akong nakasakay sa isang provincial bus na tumatahak ng NLEX o SLEX. Ang kaibahan lang e yung klase ng mga puno na nakikita mo sa paligid ng highway. $12 din ang pamasahe sa Coach bus. Nalugi nga lang kami dun sa $10 na return trip namin sa Amtrak train. Hindi sa kalapitan huminto ang bus namin. Kinailangan din ng kaunti pang lakad gamit ang aming katawang pagod na sa maghapong shopping. Paglao’y nagkadaupa din ang aming mga katawan sa kani-kaniyang mga kama.

Touchdown at 11:11pm.

Touchdown at 11:11pm. Note: Mali yung date sa orasan ko. Sinubukan kong baguhin pero hindi ko alam kung papaano.

Lahat para yan sa bag na Mortal Kombat Michael Kors, na binili ko para kay Jonalyn at binili naman ni Ma’am Che para sa sarili niya.

Bawal kaming magkita ni Ma'am Che baka sumabog kami. Parehas kami ng bag. ~Jonalyn

Bawal kaming magkita ni Ma’am Che baka sumabog kami. Parehas kami ng bag. ~Jonalyn

The End.

Advertisements

15 thoughts on “The (Mis)Adventures of Diego and Dora

  1. this is the only thing that is not so nice about the US… lack of public transportation. There are 5 of us in the family so there are 5 cars on the driveway plus one spare. The MRT train station is about a mile from our house, same with bus.

  2. Hahahahaha! Shala ang post naten Sir! Ramdam na ramdam ko yung emosyon ni Ma’am Che πŸ˜€ Trulili pala ang hirap sa US.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s