Food / Life and Family / Personal Musings

Ang Tanong

Pasinghap singhap pa si Pedro ng silipin niya ang relo sa kanyang braso. Malamig kasi ang simoy ng hangin paglabas niya sa tren na kahihinto lamang sa huli nitong istasyon.

“Alas dies na pala”, sabi niya sa sarili.

Pamilyar na ang ganitong sitwasyon sa kanya. Ito na kasi ang kanyang ginagawa simula noong nakalipas na ilang taon. Kahit pa labasan na ay pawang nag-uunahan pa rin ang mga tao upang malalampas sa mga turnstile na naghahati na daan mula sa istasyon ng tren at ng katabi nitong mall na nagsisimula ng magbaba ng kanilang mga pangharang sa mga pintuan.

Bagamat siya na ang halos susunod sa pila ng mga lumalabas, pinipilit pa rin nung isang babae ang kanyang sarili na mauna kahit pa mula naman siya sa gilid at wala sa tamang pila. Pinabayaan na lang niya ito.

“Daig niyo pa po ang Senior Citizen ma’am ha!”, sa loob loob niya.

Paglabas niya naman ay nag-aabang naman ang tatlong tindahan ng pagkain na kahit pa magkakaiba ang pangalan ay iisa naman klase ng itinitinda: siomai. May mangilan-ngilan ang bumibili ng mga oras na iyon pero mas pinili na niya na hindi na sumali.

“Hindi nahuhugasan ng maayos yung pangkuha nila sa siomai”, gunita niya sa minsang karanasan doon.

Nagpatuloy siya sa pagbaba sa konkretong hagdan na bahagyang nasasapawan din ng mga ilang tindera ng kung anu-anong abubot at mga pagkaing ni-repack at walang expiration date. Mataas ang hagdan na ito na bibigay ang mga tuhod mo kung hahakbangin mo ng mabilis ng walang pahinga lalo na kung wala kang ehersisyo. Sa pagkakataong ito, pababa ang lakad niya dahil sa pauwi na siya sa kanila galing trabaho. Sa umaga kasi, hindi mo magagawang mabilisin ang tahaking ito dahil sa mahaba at mabagal na pila ang tatambad sa iyo.

Narating niya ang pinakamababang baitang at sumalubong naman ang mga kumpulan ng tao na pumapalibot sa tindero ng fishball at sa mga tindera ng tokneneng. Gusto sana niyang tumusok ng tokneneng kahit pa alam niyang hindi naman gaanong nababanlawan ang mga bowl nito na plastik ng mabuti. Tutal nakabalot pa naman sa supot sa isip niya. Kaso talagang madami ang bumibili at wala na siyang oras para makipagsiksikan pa.

Nagpatuloy siya ng ilang pang hakbang at nanuot naman sa kanyang ilong ang amoy ng sinangag na mani. Mayroong may balat, yung wala at yung may sili.

“Pass muna ulit.”

Halos ilang hakbang pa ay gusto na niyang tumawid sa kabilang daanan para umiwas sa malakas na musika dulot ng amplifier sa harap niya ngunit may mga malalaking makinarya na gumagawa sa gilid ng mall. Binilisan na lang niya upang lampasan ito.

“Ako nga walang gitara. Ampli pa kaya?”

Bago pa siya tumawid ay nakita naman niya ang isang kariton na nagtitinda ng piniritong pagkain. “Chicken Skin P10” ang nakasulat sa karatula nito. Agad naman siyang dumampot ng isa sabay dagdag naman ng tindero ng ilan pang piraso ng balat ng manok na kasalukuyan pang niluluto sa ibabaw ng lalagyang baso na plastik. Ilang subo ang lumipas at lumipat naman siya sa kabilang tindera para sa “BIG 250”.

Nagtungo na siya sa terminal at naabutan walang pila ang nag-a-abang ng FX. Pinili niyang pumuwesto sa may likuran dahil mas maluwag dito kumpara dun sa tabi ng driver o kaya dun sa may bandang gitna. Aapat pa lamang ang pasahero bukod sa kanya kaya’t kinuha na lang niya muna ang kanyang cellphone at dumutdot sa Candy Crush Saga.

Ilang saglit pa ay bumukas ang pintuan sa tabi niya ngunit hindi niya ito inalintana dahil abala pa siya sa pagpapalit palit ng puwesto ng mga makukulay na mga kendi. Ngunit hindi niya naiwasang mapatingin ng lumundo ang sinasakyan.

Sa kanyang tabi umupo ang lalaki. Halos sakop na nito ang mahigit sa kalahati ng upuang sobra pa sa dalawang tao. Naging masikip ang mundo niya.

“Dapat ba akong magalit dahil bagamat parehas lang kami ng binabayad na pamasahe e halos hindi na ako makaupo o dapat pabayaan ko na lang dahil masama ang manghugsa ng kapwa na ang basehan ay ang kanyang pisikal na itsura?”, taimtim niyang tanong sa sarili.

Advertisements

6 thoughts on “Ang Tanong

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s