Life and Family, News and Information, Personal Musings

Tips para sa Matiwasay na Paglalakbay Gamit ang MRT

Sabi nila, ang Public Transportation daw ay sumasalamin kung anong klaseng gobyerno meron ang isang bansa. Kaya sa usapang pampublikong sasakyan, isa lang naman yan e: yung mga tren natin. So technically, ito yung PNR, MRT at LRT. Kaya kung iisipin natin, given na sinasalamin nga nito ang ating gobyerno, ano bang gobyerno ang meron tayo?

Walang kaayusan, napapabyaan, nagpapahirap sa mga mamamayan, hindi nakakapagbigay na angkop na serbisyo at sira na at dapat ng palitan?

via PhilStar.com
via PhilStar.com

Speaking of MRT at sa trulity ng buhay, habang tumatagal, pa gravity na ng gravity na ka-chorvahan sa MRT. Kung isang sundalo ang isang pasahero na sumasakay sa MRT (o mandirigma sa mas kilalang tawag), isa na siguro akong veterans dito. Walong taon na rin kasi akong no choice na sumasakay sa MRT. Mahigit apat na taon sa gabi (night shift) at yung iba sa pagpasok sa umaga.

“With that being said” (dito nagsisimula ang mga sentences ni Romano), ang layunin ng post na ito ay i-share sa inyo ang mga tips para maging veterans move din kayo sa MRT.

Matulog ng maaga at gumising ng maaga. Yan ang parati kong pangako sa sarili ko sa gabi. Pangako pa rin siya ngayon kay Amor Powers. Kung gusto mo makaiwas sa dagsaan ng madlang people, pumasok ka ng maaga. Yun lang yun. Natatawa nga ako kapag may nakakasabay ako na mura ng mura sa MRT o kaya sa FX tuwing napapatigil yung sinasakyan sa mga stoplight o kaya kapag trapik dahil siguro late na late na si kumag. Gusto kong batukan at sabihing, “Edi sana pumasok ka ng maaga!”

Madalang people. via MRT3.com
Madalang people. via MRT3.com

Huwag maligo. Siyempre hindi ko yan ginagawa. Minsan lang naiisip mo na para hindi ka lugi e sana hindi ka na lang naligo. Kasi kapag bago kang ligo lugi ka kasi maliligo ka ulit pagpasok mo sa MRT. This time sa pawis nga lang. Mas super effective kapag kumain ka muna ng maraming sibuyas at curry para winner.

Magdala ng mapaglilibangan. Kadalasan, mga 15 minutes ako sa pila papaakyat ng MRT sa Trinoma side ng North Station. Kapag maaga ako, halos walang pila. Kapag minalas naman, 30 minutes. Buti na lang may PS Vita ako at cellphone na may 2048 (High Score 65480, 4×4 tiles) at Candy Crush (Level 202).

Buksan na ang gamit bago pa umabot sa inspection area. Kapag hindi nakabukas ang bag mo, papagalitan ka pa nung lady guard na nagtse-check dun sa inspection area. Kung ayaw mo ma-hassle, buksan mo na agad bago pa lang. Huwag kang mag-alala, hindi rin naman nila alam kung ano ang dapat tignan sa bagahe mo. Formality lang kumbaga. Kaya patawarin narin sila. Hindi ni alam ang kanilang ginagawa.

PS: Sa ibang bansa walang “security guards” (as we know them) na nagbabantay sa mga establishments at public places. But that doesn’t permit you do something shit kasi may mga CCTV na may nagmo-monitor (hindi pang evidence lang) at security personel na ready to take you down.

Huwag magdala ng bawal. Bawal ang lobo kahit birthday mo. Bawal ang mineral water. Bawal daw kumain pero minsan may kasabay akong kumakain ng Chippy. Share pa sila ng katabi niya. Bawal ang firearms at explosives pero marami ang nagpapasabog sa loob ng MRT at wala kang magawa kundi takpan na lang yung ilong mo.

Mag-ehersisyo at pangalagaan ang malusog na katawan. Kakailanganin mo ito upang malampasan ang mga hamon ng pagsakay ng MRT. Kasi nga ito yung magiging panlaban mo sa stress na maidudulot sa iyo sa pagbyahe gamit ang MRT. Para hindi ka lupaypay pagdating ng bahay. Kasi naman, isipin mo para kang isang player ng Football (NFL) o kaya naman Rugby kapag pumapasok ng tren. Ang pagdating ng isang tren kasi hanggang sa pagbubukas ng mga pinto nito ay parang countdown sa pag-atake sa Clash of Clans. Kulang na lang may sumigaw ng “sugod mga kapatid!” pagka-bukas ng pintuan ng tren. Royal rumble ng WWE na yung next na eksena.

Push up pa more. via Google.
Push up pa more. via Google.

Huwag umasang disiplinado ang mga makakasabay mo. Gusto ko sanang sabihin na iilan pero mali e. Hindi ko rin naman pwedeng sabihin na karamihan. Ang iniisip ko po e kung paano ko idi-describe ang pagka-disiplinado ng mga Pilipino. Minsan kasi kapag kapit sa patalim e talagang kakapit. Lalo kung male-late na yung isang tao, nakakalimutan na yung salitang disiplina e. Minsan aabot pa sa sigawan at away. Basta ayun. Hindi ko sinasabing gumaya ka. Basta humanda ka lang.

Kaya always keep your cool. Chill lang. Kung tinutulak ka, itulak mo rin ng hindi halata. Kapag pinipilit ng iba na makasakay, lalo kong tinitigasan ang katawan ko para hindi sila makapasok. Lol. Ang unang mapikon talo. Away ang aabutin kapag hindi ka marunong magtimpi. Madalas may nagsisigawan dyan sa MRT dahil sa tulakan. O kaya kung hindi ka makapagpigil, baka umabot dun sa katulad nung nagsuntukan sa LRT.

Ingatan ang inyong mga ari-arian. May mga panahon na may makakasalamuha ka, maging sa loob mismo ng MRT, ng mga taong mapansamantala. Yung iba naman, nadadala lang ng ‘pagkakataon o blessing’ kaya nananamantala. Bago pa mangyari iyon, ingatan na ninyo lalo na nung mga importante ninyong kagamitan. Ako, laging nasa harapan ng bag ko para kung may mangangahas man na dukutan ko e face-to-face kami. Hindi rin ako naglalagay sa mga bulsa ko ng wallet at cellphone kahit pa coin purse. Mahirap na baka magkaroon pa ng pagkakataon ang mga kawatan na ito.

Mag-ingat sa mga lalake. May lumabas na video kamakailan lang na hindi ko rin naman napanood, kinuwento lang sa akin ni Jonalyn kung saan daw isang babae ang umiiyak sa loob ng MRT habang wala siyang magawa dahil nga sa sobrang siksikan sa loob ng tren habang mina-manyak siya ng isang lalaki doon. Hindi ko man nakita pero posible naman talaga. Ako kapag may katabi akong babae, I try my best na huwag magpahalata mag-mukhang manyakis kahit pa sobrang siksikan. Kaya rin laging nasa harapan yung malaki kong bag para safe yung deadly weapon.

Mag-ingat din sa mga babae. Nung una, nagtataka ako bakit meron na ngang train na exclusive (first coach ng MRT) para sa mga babae, mga buntis, senior citizens, persons with disabilities at mga magulang na may kasamang bata pero may mga babae pa rin na gusto pa rin makipag-siksikan sa second at last coaches ng MRT. Napag-alaman ko sa mga kakilala ko na mas matindi pa ang balyahan at wrestling-an daw dun sa first coach. To my experience, more than half the time especially during the rush hour, panalo talaga yung mga nakakasabay kong babae. Porket hindi mo papatulan todo sa tulak at siko e. Kung malakas manulak ang lalake, mas garapal yung ibang mga babae. Kung pwede lang mangbatok ng babae e.

Mag-ingat lalung lalo na sa mga magkakatropa. Kung narinig niya na yung ipit gang then alam niyo na rin ang ibig kong puntohin dito. May mga kumag kasi na para makapandukot e magsasama ng kanilang mga tropa. The more the many-er. Gigitgitin ka kunyari ng isa or dalawa tapos may kasama na dini-distract ka habang yung iba nakapasok ng yung mga kamay sa bag mo o kaya sa bulsa mo. Be vigilant and remember that your life is worth more than everything you have in you.

Masanay sa mga bagay bagay na “Out of Order”. Elevators, escalators, turnstiles at comfort rooms at management.

Maligo pagkauwi ng bahay. Dati naman hindi ko kailangan maligo pagkauwi ng bahay galing trabaho. Hindi kasi ako nakikisabay sa agos ng mga madlang people tuwing rush hour. Ngayon, no choice at kailangan na maligo. Kasi parte na ako ng madlang people kasi rush hour na ako umuuwi. Around 4pm to 5pm. Sa loob kasi ng tren e maliligo ka sa pawis. At buti sana kung pawis mo lang. Ang problema pati pawis ng ibang tao e nahalo na din sa pawis mo.

Kailangan pa ba summakay sa MRT para makita ang problema? Paano yung araw araw sumasakay? via Scoopnest.com
Kailangan pa ba summakay sa MRT para makita ang problema? Paano yung araw araw sumasakay?
via Scoopnest.com

Huwag kang maawa sa sarili mo. Huwag kang maawa sa sarili mo bilang isang Pilipino na marangal na nagta-trabaho, at nagbabayad ng tama at sapat na buwis (deducted automatically) ngunit hindi mabigyan ng maayos na transportasyon ng gobyerno. Huwag kang maawa sa sarili mo na bagamat mas malaki ang buwis na kinukuha sa iyo ng gobyernong ito kumpara sa ibang bansa ay mas maayos naman ang kanilang serbisyo publiko kahit sa sektor ng transportasyon. Huwag kang maawa sa sarili mo na kahit binili mo naman ang Single Journey Ticket o kaya Stored Value Ticket ay hindi naman ito nasasapatan ng karapat dapat na serbisyo para dito. Huwag kang maawa sa sarili mo dahil wala kang choice kundi tiisin ang araw araw na biyaheng ito. Huwag kang maawa sa sarili mo na wala kang magawa tungkol dito. Huwag kang maawa sa sarili mo na binabalewala ka ng pamahalaan mo na kahit ilang pulitiko pa ang sumakay sa rush hour sa MRT ay parang hindi pa rin nila makita ang mga kamalian sa pagpapalakad ng ‘negosyong’ ito. Huwag kang maawa sa sarili mo kasi nga… hindi ito FATAL.

Last station, North Avenue Station. Huwag po tayong magtulakan sa paglabas ng tren at ingatan po natin ang ating mga tiket na gagamitin sa paglabas ng istasyon. Salamat po sa pagtangkilik ng MRT. Last station, North Avenue Station.

10 thoughts on “Tips para sa Matiwasay na Paglalakbay Gamit ang MRT”

  1. Relate on all points! 🙂 Totoo po na mas grabe ang balyahan sa first coach. Kahit ako sa second coach ako sumasakay. Kahit na hindi ako nakakaupo, medyo maayos naman yung karamihan ng mga lalaki kasi hindi ka sisiksikin, konti lang. Pero yung iba.. grabe,. nakakaiyak nalang at sarap ipray over sa leeg. 😀 LOL!

Share your thoughts below

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.